Home

Advertisement

Mga Pagpipilian

  • May. 27th, 2008 at 10:30 AM
Absolutismo

May dalawang tauhan sa naratibo. At sa kadahilanang ang kuwento ay isa lamang punto rito ng atake, ang mambabasa ay binbigyan ng laya na mamili; magpasya sa nais na kalabasan ng kuwento.

 

At iyon na nga, may dalawang tauhan. Tawagin natin silang si Juan at Juana. Nagkatagpo sila sa isang kainan sa lungsod, o ‘di kaya sa isang pamantasan o ‘di kaya sa isang rali. Bagama’t mahalaga ang mga panlabas na kundisyon sa pagbubuo ng ugnayang romantiko–sa kadahilanang ang pag-ibig ay nauudyok ng uring kinabibilangan ng mga partidong kasangkot at pamamaraan ng pagtanaw sa lipunan–ang pisikal nilang tagpuan ay imateryal. Ito ang batid ng mananalaysay. Magkakatagpo si Juan at Juana. Magkakaroon ng isang pagtititigang maaaring makapagtakda ng maraming kahulugan. Sa puntong ito, mapupunta tayo sa bahagi ng pagpapasya ng bumabasa. Dito, tulad ng napakaraming pagkakataon sa buhay ng tao sa mga oras ng ikutang pangyayari sa kanilang mga naratibo, may mga mapagpipilian:

 

a. Kung ang nais ng mambabasa ay kaligayahan, nanaisin niyang basahin ito. Si Juan at      Juana, sa kadahilanang may hindi maipaliwanag na agarang ugnayan ay mahahanap ang kanilang mga sarili na nahuhulog ang loob sa isa’t isa. Sila ay kapwa aktibo sa mga gawaing pulitikal: Si Juan gawa ng pagiging bagong graduate sa kolehiyo ay nagiging malaya na kumilos sa hanay ng mga manggagawa na hindi napakikialaman ng kanyang mga magulang. Kikilos siya sa mga unyon at kung gayo’y utak din sa pag-oorganisa sa mga paggawaan. Si Juana, sa komunidad. Mag-oorganisa rin. Siya’y bubuo ng mga kaisahan, magtuturo sa parehong kabataan at matatanda ng maiikling kurso sa lipunan. Si Juan ay magiging guro sa isang paaralang may mataas na pasahod para sa mga empleyado nito habang nananatili sa pagkilos. Bagama’t isa itong malaking pagtutunggali sa prinsipyo, susuportahan ito ni Juana.

 

Kahit na kapwa pagod ang magkasintahan, sisikapin nilang magkita sa katapusan ng araw, maliban na lamang kung si Juan ay kinakailangang manatili sa piket ng mga manggagawa sa ilang paggawaan. Magkikita ang dalawa sa bahay ni Juana. Ipaghahanda niya ng meryenda si Juan. Dahil sa magtatagal si Juan sa bahay ni Juana, kanya ring ipagluluto ang binata ng hapunan. Matapos nito’y magtatalik sila, minsan sa sopang de balat o sahig ng sala habang kunwariang nanonood ng telebisyon kung wala ang magulang ng dalaga. Minsan sa silid ni Juana.

 

Ganito ang kanilang magiging gawi sa matagal na panahon. Patuloy silang kikilos, patuloy na mangangarap ng isang higit na magandang lipunan. Hanggang sa ikasal sila, magkaroon ng dalawang anak na ang mga pangalan ay hango sa mga taal na salita sa katutubong Filipino. Tatanda. Mamamatay. Bagama’t hindi makikita ang tagumpay ng kanilang mga ipinaglalaban, bago pumanaw ay kanilang dala ang pag-asa ng isang rebolusyon na sa kanila’y tulad ng tiyak na pagsikat ng araw sa isang umaga sa kabila ng pagtatangka ng ulan. Tapos ang kuwento. 

 

 

b. Sa unang pagtatagpo, hindi maiibigan ni Juana si Juan. Sa katunayan, mapagtatanto niya sa napakaraming aktibistang kanyang nakatrabaho, si Juan na ‘ata ang hindi niya talagang makasusundo. Lamang, may kung anong mararamdaman si Juan. Mararamdaman niya ito sa tuwing magkakatabi sila sa isang rali, sa ilalim ng mayabang na araw o masungit na ulan. Mararamdaman niya ito sa bawat pagtatasa ng mga gawaing pulitikal sa nagdaang araw. Hahangaan ni Juan ang sigasig ni Juana sa pagiging pulitikal na aktibista. Hahangaan niya ang walang maliw na paniniwala sa mga prinsipyo. Ito ang kanyang magiging sandigan sa lalong pagpapabuti ng pagkilos. Sa mga batayang ito nakapagpasya si Juan: liligawan niya si Juana.

 

Bagama’t may pag-aalangan sa bahagi ni Juana, tatanawin niya na pag-unlad ang pagkakaroon ng kasintahan. Pag-unlad. Ang hindi pag-iisa. Ang may kasama na pagtayo laban sa pang-aabuso at pananaamantala. Sasagutin niya si Juan.

 

Marami silang pagsasaluhang panahon. Marami ring magiging pagtatalo. Sa tuwing pagtatalo, maiisipan ni Juana na makipag-kalas. Makikita niyang husto na ang pagsandig niya kay Juan at hindi na siya sumasaya nang mag-isa. Umiiyak siya kung gabi, at walang nakaaalam.

 

Subalit mapagtatanto ni Juana ang pagkahulog ng kanyang loob sa binata. Huhusto sa kanyang paningin ang kagadahang lalaki nito. Sasabihin niya ito sa kanya tuwing sila’y magtatalik. Minsan sa sopang de balat o sahig ng sala habang kunwariang nanonood ng telebisyon kung wala ang mga magulang ng dalaga. Minsan sa silid ni Juana. Ngunit kahit kalian, hindi pahihintulutan ni Juana na tuluyan siyang pasukin ni Juan.

 

Matapos nito’y mauunang magbihis si Juana. Nang may tulin na para bang mahuhuli sila sa akto. Pananda niya ang maliit na kalembang sa pinto. O minsan ang mga boses na hindi naririnig ni Juan. O minsan ang simpleng pag-ingit ng kalawanging ref. Naiiwang nakahubad si Juan sa kama ng dalaga. Pagtatawanan siya nito.

 

Darating sa punto na magiging rutina na ito kaya’t mangangahas si Juan na gumamit ng proteksyon at tulyan nang pumasok. Bagama’t may pahintulot, bigla na lamang sisiilin si Juana ng pangamba. Pangamba na dulot ng hindi pagdating ng kanyang takdang araw. Pangambang walang batayan puna ni Juan: agad ko namang hinugot bago ako makarating. Pauulit-ulitin niya iyon sa kanyang isip.

 

Sa kalagitnaan ng kanilang problema, mahahanap natin sina Juan at Juana sa isang kainan sa lungsod. Hindi sila nag-iimikan. kukusutin ni Juana ang kanyang mukha at hindi miminsang iuumpog ang noo sa makinis na mesa. Panonoorin lang siya ni Juan. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Kaya’t magpapsya siya na sisimulan niya sa pagsasabi ng:

 

“Sorry na mahal.”

“Alam mo ba kung bakit ka nagso-sorry? Ha?” May galit sa kanyang tinig. May galit na noon lamang mababatid ni Juan.

“Alam kong mahirap,”

“Paulit-ulit ka na lang” Isasabat ni Juana.

“Hindi mo naman talaga naiintindihan! Bakit? Kaninong future ba ang masisira dito? Hindi naman sa ‘yo ‘di ba?”  Tuloy-tuloy.

Sasabihin sana ni Juan na: akala ko kasama ako sa future mo, pero hindi niya itutuloy. Ano nga ba ang halaga ng kabatirang iyon? Maiisip niya.

 

          Sa pregnancy test na gagawin ni Juana, negative ang magiging resulta. Ipaaalam niya ito kay Juan. Ngunit hindi siya iimikan nito. Sa likod ng kanyang isip magsisimula na si Juan na magkaroon ng pag-aalangan. Mararamdam na niya na siya lamang ang nagbibigay at, kahit hindi naman niya iniinda, ay wala talaga siyang natatanggap. Makikipag-kalas si Juan sa wakas.

 

k. Tatakbo ang kuwento tulad ng sa letrang b. Lamang, matapos makipag-kalas, makikilala ni Juan ang isang dalaga sa isang pag-aaplayan. Matatanggap siya at tayo ay lulukso sa letrang a kung saan ang konteksto ay maiiba ngunit ang kanilang kaligayahan ay mananatiling pareho.

 

 

Asul

  • May. 24th, 2008 at 5:23 PM
Absolutismo
Sisimulan niya ang liham sa salitang Mahal.

      Ganoon na nga, pagpapasya ng dalaga. Sapantaha niya, ito ay naaangkop sa okasyon–o dahil lamang ba sa kanilang ugnayan? Yoon ang kailangan pang mapagkasunduan ng kaliwa't kanang bahagi ng kanyang utak. Anim na buwan na rin ang nakararaan mula nang lisanin ng lalaki ang bansa:

      “Kailangan ko 'tong gawin para sa 'ting dalawa.” Pagdadahilan nito. Makikita ito at ang dalaga sa kalagitnaan ng silid na napupunan ng masagana't dilawang katanghaliang araw–kapwa nakayuko. May katahimikang sumunod sa unti-unting pagpanaw ng mga sinag sa kanilang espasyo bago pa man ito muling mangusap: “Tandaan mo, mahal kita.”

      “Ingat ka.” Ang tangi niyang panukli

      Sa loob ng silid, na muling kakikitaan ng ating pangunahing tauhan, ano’t nahuli ang kanyang tuon ng mga kurtinang asul na tumatabing sa naglalakihang mga bintana. Ngayong siya’y nagninilay sa ibang oras at ibang pagkakataon, kanyang nabatid na kung umaga, hindi niya pinagbubuksan ang mga ito. Ito ay sa kabila ng pagpupumilit ng kanyang ina na nagdadahilang tila raw sinasakal ito ng kawalan ng hangin at liwanag. Napuna ng dalaga ang animo’y pagkagiliw niya sa mismong silid sa bahagdang ito ng araw: mangyari, nag-aanyo itong teatriko (kung hindi man dramatiko) sa pagtama ng sikat ng araw sa mga kurtina.

      Sumagi sa kanya na minsan pa nga, nagkakaroon siya ng sentido ng kakanyahan sa pagmimistulang takip-silim sa loob ng silid: ang paglatag ng dilim na may pasakalyeng asul at malamlam na ilaw sa kalangitan. Kung ika’y lalabas at magkataong may suot na damit na may matingkad na kulay, hindi mo maiiwasang punahin pagkakahawa nito sa kapaligirang lugami.

      Napangiti ang dalaga sa isa pang kabatiran: kung gabi at nakabukas ang pabilog na fluorescent light, mula sa naglalakihang mga bintana sa labas, sumisinag nang may lubhang lakas ang asul na ilaw. Tila ba may kababalaghang nagaganap sa loob at siya ang tanging manonood. Salamangka ng isang asul na salamangkero: nagsasabog ng enerhiya upang paggalingin ang may sakit o magpapalabas ng isang asul na koneho mula sa patusok at asul nitong putong.

      Ngunit iba ang gabing iyon sa mga tagpong nanariwa sa kanya. Dito sa kalagitnaan ng kanyang naratibo, tanto ng dalaga na walang salamangka. Ang asul na kurtina ay ilang metro lamang ng tela na nakatabing sa naglalakihang mga bintana upang sagkain ang pagpasok ng ibang kulay sa silid sa mga oras ng pagninilay.

      Tanging isang liham lamang ang kanyang napanghahawakan. Isang liham na kanyang ipadadala kinabukasan sa isang malayong lupain at pinagninilayan pa kung angkop nga ba ang salitang Mahal bilang panimula.

Midnight Snack

  • May. 24th, 2008 at 5:12 PM
Absolutismo

Nang iyuko ko ang aking ulo sa likod ng kitchen counter, ang tanging narinig ko lamang ay : “Ano papalag ka pa? Papalag ka pa?”


Ebolusyon

  • May. 24th, 2008 at 5:07 PM
Absolutismo

I

      Noong maliliit pa sila, wala ang hiya ng kawalan ng saplot. Naliligo sila sa likod-bahay, minsan kasama ang isa pa nilang kalaro kaya’t nagiging siya lamang ang tanging babae – ang tanging rosas sa kakahuyan ng mga tinik. Kahit na silang dalawa lamang, kaya nilang tingnan ang isa’t isa sa mata, hindi alintana ang nagsisitanghod na mga tuta na alaga ng batang babae.

      Bukod sa kadahilanang mainit ang tubig, inuutugan ang batang lalaki dahil sa sabong inihihimod niya sa kanyang ari. Hindi tulad sa mga taong darating na mananabik ang dalagita sa imahen ng isang babaeng may magandang hubog ng katawan, pinaglalaruan nito ang kanyang hima dahil lamang sa nasasarapan siya rito.

II

      Sa telebisyon noong nakaraang gabi, ang tanging naabutan ng dalaga ay ang pagtatapos ng kanyang paboritong programa. Tulad ng mga nagdaang episodyo, malamlam ang bagsak ng puting ilaw sa mga tauhan, nangingibabaw ang pinta ng pastel na asul sa mga dingding. Sumasangguni ang isang operadang bakla sa opisina ng siyentipikong imbestigador patungkol sa diskriminasyon sa kanyang oryentasyon. Payo ng imbestigador, sa susunod na may kumuwestiyon sa kanyang kasarian ay pakitaan niya ito ng isang talaba. Mangyari’y may dalawang uri ng talaba; ang isa sa mga ito ay maaaring makapagpalit ng kasarian kung nanaisin nito.

      Ito ang lohika ayon sa siyentipiko: maaaring sa proseso ng ebolusyon natin patungo sa pagiging tao ay may nangyaring aberasyon kaya’t tayo’y humantong sa pagkakaroon ng iisang kasarian lamang.

II

      Naatasan ang magkababata na magdisenyo ng entablado para sa gabi ng kanilang pagtatapos. Ginanyakan nila ang harapan nito ng mga rosal at mga chrysanthemum mula sa hardin ng kanilang paaralan. Sa gilid, ipinuwesto nila ang nagyayabungang mga palmera’t mga paco na nasa kagampanan na ng kanilang pagbubuntis. Nginitian nila ang isa’t isa nang hindi sinasadyang magdantay ang kanilang mga kamay sa telong inaayos ng dalaga sa dingding ng entablado. Maya’t maya’y napadaan ang kanilang prom queen, ang isa sa mga supervisor ng physical arrangement committee at logistics. Hindi maiwasan ng dalaga na mapatingin sa kanya. Dahil ba iyon sa unat at abot-baywang nitong buhok na kanya ring pinapangarap? O sa kutis nitong porselanang nagpapamistula ritong isang manikang Haponesa? Ang kaanyuan lamang ba nito ang dahilan ng pag-iinit ng kanyang pisngi?

      Muling napuna ng dalaga ang init ng kamay ng binata at napabaling muli rito ang kanyang pansin. Para iyong pelikula, tanto ng dalaga. Ngunit kanyang nalalaman na hindi tulad ng napapanood niyang mga romansa, ang ngiting kanyang ibinigay at ibibigay pa sa binata ay dulot ng isang pagpapasya. At sa pagkakataong iyon, tila humusto ang kagandahang lalaki ng binata sa kanyang paningin at siya ay nalunod sa mga mata nito. 

Pagkukuwadro

  • May. 24th, 2008 at 5:03 PM
Absolutismo

Maglalaan siya ng ilang saglit pagkabukas ng mga mata niya sa pagtama ng sinag ng araw sa kanyang mukha. Lilipat siya sa kanang bahagi ng kama para lamang umiwas. Mag-iisip. Nang malalim. Kung ganoon na ang posisyon ng araw sa labas, mga 30 minuto na lang ang nalalabi bago siya mahuli. Umalis na ang kanyang kapareha, ang pagdadahilan: magtatrabaho. Parang hindi ka na nasanay. Kakatok maya-maya ang anak niya, hihilahin siya para gumawa ng almusal: para humarap sa kalan; maglagay ng mantika sa pagpri-prituhan; magbasag ng itlog; maggayat ng mga sibuyas, bawang, tirang karne sa sangkalan at isaboy sa sinangag.

      Bago maisakatuparan ang nabanaag na rutina, babangon siya. Mag-uunat upang banatin ang mga buto mula sa 5 oras na pagtulog dahil iyon ang dapat na ginagawa pagkagising. Iyon ang pamamaraan ng katawan. Uupo siya sa gilid ng kanyang kama, susupilin ang buhok, ibubugkos tulad ng paghawak niya sa isang lupon ng pasta bago ito ibagsak sa kumukulong tubig. Itatali niya ang itimang buhok saka tatayo, magtutungo sa salaming kakabit ng kanyang tukador.

      Makikita niya ang nalilinyahan nang mukha na siyang daragdagan pa ng pangungunot ng kanyang noo. Mapapatingin siya sa imahen sa salamin. Nang matagal. Nang may paglilimi. Nang may pag-aalangan. Nang may pagtatanong: ano ang ginusto mo noon?

      Ang huling beses niya itong ginawa–ang pagharap sa salamin–ay noong matapos niyang isuot at ayusin ang mga nakaganyak sa kanyang traje de boda:

      Anong ginusto mo noon? Alingawngaw sa isip.

      Pag-ibig. Kanyang sagot.

      Pag-ibig, hindi ang simpleng pagtakas sa kanilang tahanan.

      Oo, pag-ibig nga ang tawag doon.

      Gayon muli ang siste, wala nga lamang ang traje de boda, ang belong kapwa kinatatahian ng mga huwad na perlas, ang make-up, ang ngiti ng pagpapasya. Tanging ang humpak ng mukha at mga linya lamang ang nakaganyak sa kanya.

      Ano ang ginusto mo noon?

      At sa lahat lahat ng araw, ngayon ang napiling araw ng pagkakataon upang mapaghinuha niyang muli ang kasagutan sa tanong. Napangiti siya sa salamin, naka-kuwadro ang kanyang mukha sa animo'y isang larawang maaaring igayak sa Museo ng Likas na Kasaysayan. At sa sandaling iyon, nakikita niya ang repleksyon bilang isang estranghero: nakangiti sa kabila ng kaanyuan.

Imortalidad

  • May. 23rd, 2008 at 6:18 PM
Absolutismo
 

Nais simulan ng Propesor ang panghuli niyang klase sa pagsasabing ang pisikal na imortalidad ay posible. Imortalidad: Na ang namatay nang mga cell sa katawan ng tao ay maaaring mapalitan sa pamamagitan ng isang ritwal.[1] Na ang basehan ng lahat sa ating pisikalidad ay bunsod lamang ng binubuong konsepto ng ating isipan. Na ang katawan ay masunurin sa mga pag-uutos ng isip.[2] Napaniniwala lamang nito na may pangangailangang mamatay ng katawan.[3]

      Itinuturing ng Propesor na isang diyosa si Linda Goodman, ang may-akda ng aklat hinggil sa diskurso. Ito’y hindi lamang dahil sa pananaw nitong tayong lahat ay mumunting mga kabanalan bunsod ng pagiging bahagi natin ng Maykapal, kundi dahil sa binigyan siya nito ng bagong mapag-iisipan. Minsan naisip niya ang sarili na nakikipagtalik kay Linda Goodman dahil noon pa ma’y nahahalina na siya sa mga kababaihang higit na matanda sa kanya.

      Ang munting diskurso’y bubuksan na sana niya nang dumating ang isang pulutong ng kabataang naka-pula na nagpapaalam na mangampanya.

      “Two minutes.” Pahintulot ng Propesor.

      Ngunit higit pa sa isang kampanya ang ginawa ng mga estudyante. Nagmistulang isang mumunting kurso sa lipunan ang kanilang tinalakay nang buong sigla. Sa halip na pigilan, hinayaan na lamang ng Propesor na magsalita ang mga ito. Hindi rin naman mag-iiba ang daloy ng kanyang klase. Ang pinaglaanan niyang pambungad na diskusyon upang bigyang-inspirasyon ang kanyang mga estudyante sa palihan ay marahil na lumabis pa sa oras na maaaring itagal ng mga mangangmpanya sa harap. Nawala ang Propesor matapos ang mga salitang sama-samang manindigan. Lumaboy ang kanyang isip kay Tessa.

      Minsan nahuli ng Propesor na nagbubungisngisan ang mga estudyante niya. Nabatid ng mga ito ang kanyang ‘di malay na pagka-usap sa sarili sa harap ng bintana habang kinukusot ang unat niyang buhok. Pagsusulit noon at hindi niya nagustuhan ang ingay sa kasagsagan nito. Si Tessa pa rin ang laman ng kanyang isip sa gayong mga tagpuan, kahit na ngayong nasa loob na siya ng dyip patungong SM North. Isang biyaheng kinamumuhian niya: kung mayroon lamang sanang alternatibong ruta papunta roon upang maiwasan ang malaki’t abandonadong construction site sa Philcoa.

      Madalas sila roon noon ni Tessa: sa harap ng isang malaking bintanang natatabingan ng malinaw na salamin. Sa pagitan ng mga ito, nakahilera ang ilang mapuputlang manikin. Mga lalaki’t babaeng animo’y mga modelong kinontratang manatili sa isang posisyon panghabambuhay; nadadamtan ng mararangyang kasuotan sang-ayon sa moda. Isa sa mga ito ang nagustuhan ni Tessa. Isang puting bestidang nagaganyakan ng mga floral prints na pastel. Hilig talaga ni Tessa ang anumang bagay na may kaugnayan sa tag-araw at tagsibol. Lamang, hindi ito nabili ng Propesor para rito dahil lagi’t laging siyang gahol sa pera.

      Sapat lang ang kinikita ng Propesor upang tustusan ang kanyang maliit na apartment sa Karuhatan, at noong mga panahong kasa-kasama pa niya si Tessa, instruktor pa lang siya sa pamantasang pinagtatrabahuhan niya at ang dalaga nama’y isang freelance writer lamang sa isang tabloid.

“Hindi naman mawawala yun. Paniguradong mababalikan pa natin.” Pagkumbinse ni Tessa isang gabing tumitingin sila ng mga pinakabagong paperback novels sa isang estante sa National Bookstore. Ilang saglit ding hindi nakapagsalita ang Proepsor. Matapos kunin ang isang kopya ng nobelang Lalaki sa Dilim at pinasadahan ang blurb sa likuran nito’y siya’y nagsabing,

      “Sana lang kaya kong ibigay ang lahat ng maihihiling mo.”

      Ngunmiti si Tessa.

      “We have the rest of our lives for that.” Sabay kuha sa librong hawak ng kasintahan at tuluyang nagyayang umuwi.

      Wala na ang puting bestida, kaya’t minabuti ng Propesor na magtanong na mismo sa loob ng tindahan. Siya’y pinalad na makitang nasa mga estante ng itinakdang 30% off ang bestida. Bukod sa diskwentong ito’y kaya na niya talagang bilhin ang damit sa sinasahod niya ngayon.

      “Para sa girlfriend n’yo sir?” Sabi ng sales lady na tumabi sa kanya, abot-tainga ang ngiti: isang ngiti na lalong nagpataas sa tumbok ng mga pisngi nito.

      “A, oo.” Sagot ng Propesor. Hinugot niya ang bestidang naka-hanger sa estante at ‘di tintanggal ang kanyang mga mata rito’y nagtungo cashier.

* * *

      Hindi puno ang bus, ngunit saan man siya tumingin ay may nakaupo sa bawat luklukan: sa kanyang kaliwa’y may isang nursing student na taimtim na nagro-rosaryo at malagkit na tinititigan ng isang gusgusing pasahero. Sa upuan sa harap nito’y may lalaking patungo-tungo’t ‘di sinasadyang sumasandal sa katabing dalaga sa hindi niya mapigilang antok. Sa upuang kaharap niya, dalawang ulo lamang ang tangi niyang nakikita: isang babaeng hanggang balikat ang unat na buhok at isang lalaking may maikling dreadlocks na mistulang kalawangin. Dinig ng Propesor ang kanilang bungisngisan at mga bulungan ng ‘di niya mahinuhang pagsusuyuan. Hindi rin miminsang nakita niya mula sa pagitan ng mga sandalan ang pagtatagpo ng mga nguso nito.

      Ang tagal nang hindi ipinipikit ng Propesor ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya’y napipinto nang lumuwa ang mga ito at tuluyan nang matanggal mula sa kanilang mga kinalalagyan. Mahuhulog sa kulay lilang plastic bag na pinaglalagyan ng puting bestida na maayos na nakalatag sa kanyang kanlungan.

      Ibinaling ng propesor ang kanyang tingin sa repleksyon sa bintanang kaharap. Marungis, nakita niya rito ang malalaking animo’y maiitim na tagpi sa ilalim ng kanyang mga mata. Totoo nga ang sinsabi ng ibang faculty members na mistula na siyang isang maputing bumbay–kung hindi man isang naglalakad na bangkay. Sa pag-aakalang hindi niya naririnig, sa isang lecture series na sponsored ng departamento ng Pilosopiya, sinabi ng isang co-faculty niya na siya’y,

      “Nagsimulang magkaganyan matapos ang mangyari sa kasintahan.”

      Nagkunwari ang Propesor na wala siyang narinig. Madaling gamitin ang kadahilanang iyon sa kasagsagan ng maraming propesor na nag-uusap-usap tungkol sa nagdaang lecture, bukod pa sa tugtugin ni Mozart na dinig sa kabuuan ng bulwagan.

      Inihilig ng propesor ang gilid ng kanyang malapad na noo sa salamin, hindi tiyak kung dadalawin siya ng antok sa kabuuan ng biyahe. Kumislap ang mga ilaw sa ganap na kadiliman ng mga pook na nadaraanan ng bus. Ni isa man sa mga ito’y ‘di nakasilaw sa kanya.

* * *

      Sa isang pindot ng switch sa gilid ng kanyang kahoy na sliding door, bumukas ang tatlong flourescent light sa munting sala, kumedor at kusina ng apartment. Hindi sa ‘di pagbabagong-anyo ng apartment na ito ang nagdulot ng pamilyaridad sa kanya kundi ang pakiramdam ng pag-iisa; ang paninirahan dito nang nag-iisa. Noon, nang kapiling pa niya si Tessa, kahit ang Propesor lamang ang nauuwi rito, hungkag siya ng gayong pakiramdam dahil alam niya na maya’t maya’y tutunog ang telepono at maririnig ng Propesor ang boses nito–kung hindi man siya ang mismong mag-aangat ng handset at pipindot sa mga numero. Ngunit hindi ganito ang kaso ngayon. Ang huling pagkarinig niya sa telepono na naging tampulan ng kanyang interes ay nang tumawag ang isang Lt. Charles Medalla na humihikayat na magtungo siya sa morge ng QCPD upang kilalanin ang isang katawan.

      “Ikinalulungkot ko hong ako pa ang nagbalita sa inyo sir.” Sabi ni Medalla na diretsong nakatingin sa kanya, bagama’t may bakas ng pag-aalangan kung hindi man pagkahiya.

      “There’s not much to go on with. Hindi na po buo ang mukha ng biktima nang makita namin siya sa construction site sa Philcoa, kaya sigurado na po ba kayong. . .”

      “Si Tessa nga ‘yan” Walang anumang tabas at iisa lamang ang tono ng pagsagot na iyon ng Propesor. Malalim ang kanyang tinig, tulad nang minsang magbigay siya ng lecture tungkol sa Existentialism sa isang block ng mga natanggap sa certificate program ng Filipino Department sa Malikhaing Pagsulat. Tiyak ang propesor na kay Tessa ang hubad na katawang nasa tiled na mesa. Kilala niya ang nunal sa itaas ng kanang dibdib nito; ang peklat mula sa isang aksidente noong kabataan nitong mistula isang alupihan sa tabi ng kanyang pusod; ang kurba ng baywang nito na madalas paglapatan ng kayang mga kamay sa pagtatalik man o pamamasyal.

      “Gagawin po namin ang lahat para mahuli ang tarantadong gumawa nito kay Tessa.”

      Hindi na nagkaroon pa ng interes ang Propesor sa proseso ng imbestigasyon. Ayon sa Lieutenant na humarap sa kanya, isa itong serial: pang-apat na si Tessa sa Quezon City, isang pambihirang kaso sa kasaysayan ng QCPD. Hindi na rin naging mahalaga sa kanya na napagbintangan siya’t na rule-out sa line-up ng mga potential suspect sa pagkakahuli sa salarin na nakilala lamang niya bilang Elmer Molina. Hindi na rin kumintal sa kanya ang mukha nitong tatlong magkakasunod na gabing ipinakita sa TV Patrol kasama ang mga pinalabong footage ng mga katawang hubo’t hubad ng naunang mga biktima nito at ang naghuhumiyaw nitong mga kamag-anak. Patay na si Tessa, tapos ang kuwento. Ang tanging natitira sa Propesor ay ang katiyakan ng kanyang alaala.

      Sa mga panahong iyon natuklasan ng Propesor ang diskurso tungkol sa Imortalidad. Naglilibot siya noon sa ukay-ukay sa Cubao kasama ang isang co-faculty sa kanyang ilang araw na pagliban. Nagsasalita ang lalaking propesor ng mga bagay tungkol sa kung papaano naiibsan ng pagbabasa ng mga libro ang kanyang pighati; kung papano ito nakatulong sa kanya nang mamatay sa cancer ang pinakamamahal nitong lolo. Nadampot ng Propesor mula sa isang salansan ang isang aklat na pinamagatang: Star Signs na siyang naglalaman ng mga bagay tungkol sa mga bituing kakawing sa kapanganakan ng tao; sa pamamaraan ng Karma at kung papaano ito matutunaw sa pamamagitan ng pagdedeklara sa sarili na siya’y may kakayahang maging imortal. 

      Buhat nito’y hindi miminsang naitanong ng propesor sa sarili na totoo kaya na pinipili ng tao ang kamatayan. Naitanong niya kung pinili kaya ito ni Tessa noong mga sandaling babagsakan na siya ng salarin ng isang mabigat na hollow block sa mukha.

      Inilatag ng propesor ang plastic bag na lila sa kanyang kamang nadadamtan ng asul na kobre. Dahan-dahan niya itong binuksan. Mula rito’y hinugot niya ang puting bestida, tinanggal mula sa pagkakatupi at maingat na inilatag sa kama. Animo’y naghuhumindig ang mga floral print sa kanyang mga mata, parang umuumbok mula sa damit upang magsikalat sa silid at magsabog ng halimuyak. Ngunit nanatili ang mga ito sa lapat na tela ng damit. Pinagmasdan ito ng Propesor nang matagal. Una’y nakatayo, matapos ang ilang minuto, nakaupo. Hindi man napagod, humiga ang propesor sa tabi nito at hinimas-himas ang mga tahi sa laylayan at sa kuwelyo. Nang manawa’y nagtungo ang propesor sa kanyang study table at hinarap ang kanyang itinakdang gawain. Bukas ay kinakailangan na naman niyang harapin ang kanyang klase at mag-isip ng mga lohikal na masasabi para sa kanilang talakayan. Tanto niyang mananatiling ganoon ang kanyang ritwal sa mga gabi pang darating.

      Nanatili ang propesor sa kanyang pag-iisip hanggang sa sumilip ang araw sa kanyang bintana.



[1]  Cell Regeneration. Halaw sa aklat ni Linda Goodman na pinamagatang Star Signs na siya ring mababanggit sa mga susunod na bahagi ng akda. Ayon sa panuto, habang nakapikit ang mga mata’t blangko ang kanbas ng isipan, mag-isip ka ng isang animo’y spiral na pigura na may bituing naka-kabit sa buntot nito. Ikawing ang sariling kagampanan sa pigurang ito at isiping umaatras ang buntot pabalik sa pinagmulan nito kaya’t liliit nang liliit ang spiral. Ang inaakala nating normal na pag-iisip na ang lahat ng bagay ay tatanda’t magwawakas ang siyang nagpapahintulot sa spiral na umikot, lalong humaba at mag-ibayo–parang sa mga singsing ng puno kung ito’y puputulin na siyang nagsasabi kung gaano na ito katanda.

2 Maging ang pagkakaroon ng edad ay itinuturing na isang kasinungaliangan.

3Ang ganitong pag-iisip ay tinawag ni Linda Goodman na Deathist Philosophy na lubhang mapanganib at mapanlinlang

Tunggalian

  • May. 23rd, 2008 at 5:12 PM
Absolutismo

I.

      “Alam mo ba ang pakiramdam ng maging isang Diyos, Lieutenant?”

      Sabi ni Elmer Molina nang magkaharap sila sa wakas ni Lieutenant Charles Medalla sa interrogation room ng Quezon City Police District. Walang sagot ang nahuli.

      Matagal nang pinaghahanap si Elmer para sa sunud-sunod na paggahasa’t pagpatay sa limang kababaihan sa Quezon City. Ang Modus Operandi: ipasusubo niya muna ang kanyang ari at titiyaking puputukan siya sa loob ng bibig ng biktima. Tapos, saka pa lamang huhubaran. Igagapos ang mga kamay gamit ang isang mahabang nylon cord–yung tipo na ginagamit sa mga sampayan. Papaibabaw. Bagama’t nakapiring ang mga mata ng mga biktima ni Elmer, hindi niya ito nilalagyan ng busal. Hindi tatakpan ang bibig. Gustong-gusto niyang naririnig ang pagsigaw ng kanyang mga biktima; ang kanilang pagmamakaawa. Matapos pagparausan, kukuha siya ng isang hollow block o ano pa mang mabigat na implementong yari sa bato o semento. Tatayo sa ibabaw ng babae. Ibabagsak sa mukha nito. Masaganang dugo.

      Bago tuluyang iwan ang bangkay, lalagyan muna ni Elmer ng isang puting mansanilya ang puwerta nito. Nang pasukin ng mga pulis ang bakuran ni Elmer, natagpuan nila ang ilang paso ng malalagong mansanilya. Karamihan sa mga ito’y puti. Yoon ang paboritong pinatutubo ng Ate Ella niya noong bata pa siya, bago ito gahasain at paslangin ng isang dating nobyo.

      “May nakapagkuwento na ba sa ‘yo tungkol dun sa lalaking may hawak ng buhay na ibon sa likod niya’t pinahuhula kay Hesus kung buhay ba ito o patay?”

      Umiling lang si Medalla. Sisingit na sana ang homicide officer na kanina pa nakatayo’t naiinip na sa gilid ng silid. Sinenyasan niya itong patuluyin na lang ang sasabihin ng salarin.

      “Sinubok niya ang kapangyarihan ng Maestro,” Pagpapatuloy ni Elmer “tinanong nung lalaki kung ang hawak niyang ibon sa likod ay buhay o patay na. Win-win situation ‘yun para dun sa lalaki: Kung sasabihin ni Hesus na patay ang ibon, ilalabas niya ito, at natural mapapatunayang mali ang Maestro.”

      Diretso ang tingin ni Medalla sa mga mata ni Elmer. Hindi niya ito tinatanggal dahil baka may makaligtaan siya. Baka may ‘di makitang siya niyang inaabangan. Kung ano man yun, hindi pa rin nalalaman ni Medalla.

      “At kung sasabihin naman ng Maestrong buhay ito, titiikin niya ang ibon. Kapag tumigil na ito sa kakikislot, saka niya ipakikita. Mali ulit si Hesus”

      Napangiti si Elmer. Tila ngiti ng tagumpay, kahit na wala naman siyang anumang napanagumpayang nakikita ng mga imbestigador.

      “At alam mo ba ang sinabi ng Maestro?” Sa pagakakaataong iyon, inilapit ni Elmer ang kanyang mukha sa mahinahong si Medalla. “Ang buhay ng ibon na iyan ay nakasalalay sa iyong mga kamay.”

      May katahimikang sumunod. Napakunot ang noo ng dalawang imbestigador, magsasalita na sana ang homicide officer na tapos na ang interogasyon nang muling magasalita si Elmer.

      “Ikaw Lieutenant, ano ang pakiramdam sa iyo ng unang pagpatay?”

II.

      Inimbitahan ni Manny ang kalarong si Charlie isang Biyernes ng tanghali na manirador ng mga ibon. Katatapos lang ng klase nila at tatlong buwan pa bago sila ulit pumasok sa ika-5 baytang. Bago kay Charlie ang libangan ng kaibigan. Hindi naman dahil sa wala siyang ideya kung papaano ito ginagawa kundi dahil sa hindi niya pa ito talagang nasusubukan.

      “Madali lang yan,” Sabi ni Manny, habang binabatak ang pulang goma ng tirador. Itinututok niya ito sa ulap, animo’y kayang butasan ng maliit na batong nakaipit sa pagitan ng kanyang mga daliri kapag ito’y pinakawalan.

      “Pero kawawa naman yung mga ibon!” Pagdadahilan ni Charlie.

      “Ito naman, parang si Ate! Ibon lang naman sila a!”

      Hindi na nagprotesta pa si Charlie. Baka kung ano pa kasi ang masabi sa kanya ni Manny kung tatanggi pa siya. Isa pa, isip niya, libre naman yung tirador na ibinibigay sa kanya ni Manny. Pumayag na rin si Charlie.

      Halos pababa na ang araw nang mahanap ni Charlie ang sarili na tumatakbo pababa ng isang burol. Kanyang hinahabol ang isang matabang maya na kani-kanina lang ay tahimik na nakaupo sa isang sanga ng puno. Sigaw nang sigaw si Manny ng “Sige habulin mo! Tamaan mo siya!” At nang mapukol ni Charlie ang maya, gayon na lamang ang pagsasaya nilang magkaibigan.

      “Ang galing mo!”

      Nilapitan ni Charlie ang nakabulagtang ibon. Nagsasayaw sa likod niya si Manny na para bang isang Native American sa harap ng isang bonfire. Pinagmasdan ni Charlie nang mabuti ang nakabulagta nang maya. Nakabuka ang mga mata, tulad ng tuka nito. Sa dibdib nito, nakabaon pa rin ang batong nagmula sa tirador niya: tinatagasan ng masaganang dugo.

      Napangiti si Charlie. Pakiramdam niya’y napakahusay na niyang manirador. Sa kanyang paningin, tila lalong nanliit ang katawan ng maya.

 

III.

      Mga bandang 2:30 ng hapon, ika-7 ng Oktubre, taong 2001: Tumugon si Lt. Medalla, sampu ng Quezon City Police sa isang ulat ng hostage-taking na nagaganap sa Quezon City Circle–sa ilalim ng puti’t matangkad na estrukturang bato na kinaluluklukan ng tatlong anghel na may mahahabang pakpak.  

      Yung hostage-taker, 35 anyos, kulot at napapanot na. Tony Reyes ang pangalan. Ibabaon raw nito ang hawak na balisong sa leeg ng babaeng mahigpit niyang kipkip kung hindi palalayain ng mga pulis ang kapatid nitong numero unong drug-pusher sa Quezon City.

      Itatarak na sana ni Tony ang balisong (sa pangyayaring walang naging ibang tugon ang nakapalibot na mga pulis kundi ang lalong paghigpit ng kanilang mga kamay sa hawak nilang mga baril) nang walang pagdadalawang-isip na kalabitin ni Lt. Medalla ang kanyang Kalibre .45 Ang bala, na animo’y isang matuling kulisap na sumiyap, ay diretsong bumaon sa noo ni Tony.

      Noong araw ding iyon, tinaguriang “Sharp Shooter” ng Quezon City Police District si Lt. Medalla. Tinuring na isang bayani. Sa front-page ng isang tabloid na inilabas kinabukasan, nakalagay ang kanyang litrato kung saan siya’y pawisan ngunit matikas ang tindig. Nakahilig ang ulo ng 15-anyos na babaeng hinostage sa kanyang dibdib. Katabi nito, sa isang mas maliit na litrato, ang nakabulagtang katawan ni Tony Reyes. Ang bawat baytang ng hagdang kinabagsakan nito ay natapunan ng dugong nanuot sa singit-singit ng semento.

      Noong taong ding iyon, ilang ulit napaginipan ni Medalla ang mukha ni Tony na duguan. Tumatagas ang dugo mula sa kanyang noo. Napapaginipan niya ang paglapit niya sa bangkay nito’t pagtapak sa masaganang dugo. Sa kanyang pag-iral sa panaginip, nakaramdam si Medalla ng isang pagkakilabot. Isang pagkakilabot na dulot hindi ng kalunos-lunos na eksena, kundi ng isang kakaibang pagkatuwa na parang kuryenteng nagpakilig sa kanya matapos pakawalan ang bala.

IV.

      “Ang ganda ‘di ba?”

      Yoon ang katagang umaalingaw-ngaw sa isip ng walong taong gulang na si Elmer habang nagtatago sa likuran ng bakal na estanteng pinaggaganyakan ng mga puting mansanilyang koleksiyon ng kanyang Ate Ella. Katatapos lang nitong bigkasin ang kataga nang biglang pumasok si Edric, ang binatang naninirahan sa kabilang kanto, mga tatlong bahay ang layo sa bahay nina Elmer. Wala ang magulang ng mag-ate, nasa isang business trip sa La Union at sa kamakalawa pa ang balik. Nangako si Ella na aalagang mabuti ang kapatid habang hindi pa dumarating ang mga ito.

      Sa kanyang pagkukubli, yakap ni Elmer ang paso ng isang puting mansanilya na itinanim nilang dalawa ng kanyang Ate Ella.

      “Para mo nang awa” Pagsusumamo ng dalaga.

      Noon lang ulit narinig ni Elmer ang pagtangis ng kanyang Ate mula nang iwan ito ng kanyang dating nobyo para sa ibang babae Nakita niya kung papaano itinulak ni Edric ang ate niya’t napatumba sa semento. Kung papaano hinawakan ang magkabilang kamay na pilit humuhulagpos. Kung papaano nito isinubsob ang ulo nito sa itaas na bahagi ng pinunit na damit ng Ate Ella niya. Kung papaano ito dinidla-dilaan sa leeg, sa pisngi, sa loob ng bibig–parang kinakain.

      Hindi maintindihan ni Elmer ang nangyayari, basta ang alam niya nasasaktan ang Ate Ella niya at wala siyang magawa kundi ang umiyak. Hiniling niyang may piring ang kanyang mga mata para hindi na makita pa ang hindi maiwasang tingnan. Ang malakas at mabilis na dagundong sa dibdib ni Elmer ay rumurok sa pagsikdo nito nang mahanap ng mga mata niya ang mga mata ni Edric.

      “Ano boy, gusto mo ‘to?” Hindi maipaliwanag ng mura niyang isipan ang pakiramdam: ang init na tila gumuguhit sa pagitan ng kanyang mga hita at nagpapasikip sa kanyang salawal. Isang kakaibang pakiramdam sa kanyang puson, na gumuguhit pababa, parang init na nais kumawala.

      Ang binatang nakikita ni Elmer ay hindi na ang kanyang Kuya Edric. Ang kanyang Kuya Edric na nakikipaglaro sa kanya ng kotse-koteshan. O sinasamahan siyang bumili ng chocolate ice cream sa sorbetero. O nakikipag-basketball sa palaruan ng baranggay. Iba na ito. Lalong nangalinsag ang mga balahibo ni Elmer nang umungol si Edric na animo’y nakainom ng isang galong Coke na pumatid sa isang malaking pagkauhaw.

      Tumayo si Edric at nag-ayos ng pantalon. Nakita ito ni Elmer na luminga-linga sa munting hardin. Parang may hinahanap. Hindi naglipat-sandali’y naglaho ito sa isang malaking pasong pinagtatamnan ng isang malusog na halamang hanggang ngayo’y hindi pa rin nalalaman ni Elmer ang pangalan. Lalabas na sana ito sa kanyang pinagtataguan nang magbalik si Edric na may dalang mamasa-masa’t nilulumot ana adobe. Napaurong muli si Elmer papaloob ng estante.

      “Tandaan mo Ella, ikaw ang naunang pumatay sa akin!”

      Tumayo si Edric sa nanghihinang Ate Ella niya. Itinaas ang adobe lagpas ng kanyang ulo bago ito tuluyang binitawan. Napapikit si Elmer at kanyang naramadaman ang ilang namumuong tilamsik sa kanyang mukha.

      Bago lumabas, tiningnan ni Edric si Elmer. Ngumiti ito at tuluyang sinara ang tarangkahang bakal na tumunog na tila kulog. Luhaan, lumabas si Elmer sa pinagtataguan, yakap pa rin ang paso ng mansanilya. Pinagmasdan niya ang pisak nang ulo ng kanyang ate na tinatagasan ng masaganang dugong nagsisimula nang manuot sa singit-singit ng semento.

      Ang ganda ‘di ba?

      Binaling ni Elmer ang tingin sa puting mansanilyang nakatanim sa kipkip niyang paso. Nanginginig ang mga kamay, binunot niya ito at inilagay sa walang-buhay na kamay ni Ella.

      “Maganda ate,” Bulong nito. At sa sandali ng katahimikang iyon, tumigil si Elmer sa pag-iyak.

V.

      Sapat na ang mga sinabing iyon ni Elmer. Pinagpasyahan ni Medalla na tapos na ang kanilang pag-uusap. Tinawag niya ang arresting officer na sa mga sandaling iyon ay tinatanggal na ang nakalalaylay nang balat ng dingding sa sulok. Pinosasan nito si Elmer at inilakad papunta sa pinto. Sa tabi nito, mahigpit na hawak ng homicide officer ang kaliwang braso nito. Hindi inalis ni Medalla ang tingin kay Elmer na nakangiti; walang anumang bahid ng pagsisisi o pagkatigatig. Naiwan si Medalla na mag-isang nakaupo, hindi rin mapigilan ang pagguhit ng isang ngiti sa kanyang mukha dahil may naialis na naman siyang isang masamang tao sa lansangan

 

Ang Kakulangan

  • May. 23rd, 2008 at 2:37 PM
Absolutismo

     “Kulang pa.”

      Kanyang bulong sa sarili. Agad niyang hinubad ang kanyang t-shirt na asul, inihagis sa munting sopa sa parehong kulay na nasa gilid ng kanyang silid. Nagtungo siya sa panig na katapat nito kung saan nakatayo ang isang parihabang salaming may kuwadrong napipintahan ng kulay berde.

      Pinagmasdan niya ang hapo't pawisang katawan, huminga nang malalim sa pagtatangkang palawigin ang dibdib na nagmimistula nang mga kahon sa hugis. Pinagmasdan niya ang baywang na nakahihigit sa liit na kakikitaan ng hubog na hubog at lapat na lapat na tiyan. Pinagmasdan niya ang mga brasong tila nangangalit lalo na sa pagtaas niya sa mga ito upang pagtangkaang ipitin. Nang gawin niya ito'y hindi niya napigilan ang sarili sa paghalik sa nakaumbok nitong bahagi. Subalit: “Kulang pa”

      Nagtungo siya sa gilid ng kanyang kama, tumalungko upang kunin ang dalawang dumbbell sa ilalim nito. Naupo siya rito na nagdulot ng pagkagusot ng bagong palit na kobre kama ng kanyang ina. Umabot siya sa bilang na dalawang daan; tig-iisang daan sa bawat braso. Naalala niya, ang mga brasong iyon ang isa sa mga bagay na nakapagpahalina sa una niyang kasintahan sa highschool. Lagi't lagi nito itong pinipisil kung nakasukbit ang braso nito sa kanya. Hinihimas kung magkatabi sila sa isang sasakyan at napipinto na itong makatulog. Kinakagat kung sla'y nagtatalik sa kanyang silid.

      Hindi naglipat-sandali, pinilit niyang batakin ang kanyang dibdib sa pamamagitan ng pagtutupi sa kanyang mga braso at kapwa paghatak nito papalikod. Ang mga dibdib na iyon ang kinahumalingan ng pangalawa niyang kasintahan na nakilala niya isang tag-araw. Ang mga dibdib na iyon ay laging nakatatanggap ng haplos ng parehong palad lalo na kung pumupunta sila sa dalamapasigan upang magtampisaw at magpa-araw; sa paglalagay man ng sunblock o 'di kaya'y pulot upang siya'y madilaan. Isang daan ang pagbabanat na kanyang nagawa.

      Nagtungo naman ito sa lapag, malapit sa munting sopa kung saan nakapatong ang isang aparatong nabili niya sa telebisyon na nagsasabing nakapaghuhubog ng abdominal muscles. Ang kanyang tiyan at puson ang madalas pindut-pindutin ng mga daliri ng pangatlo niyang kasintahan na nakilala niya sa sophomore year niya sa kolehiyo. Minsan nasaabi sa kanya nito: “pwede na 'tong pagkiskisan ng labahan” Sabay taas sa laylayan ng T-shirt niya't hinalikan. Nahiga siya sa lapag at ipinosisyon ang kanyang ulo sa munti't itimang unan sa aparato; inilagay sa mga bakal na hawakan ang mga kamay at nagsimulang itaas-baba ang taas na bahagi ng kanyang katawan. Dalawang daan.

      Matapos nito'y tumayo siya at nagtungo sa kanyang aparador upang humugot ng isang tuwalya at magpunas. Nagtungo siya sa kanyang mini-bar sa loob mismo ng kanyang kuwarto ilang hakbang mula sa kanyang sopa upang maglabas ng isang bote ng mineral water at uminom.

      Muli niyang tiningnan ng sarili sa parihabang salamin sa sulok, itinapon ang tuwalya sa munting asul na sopa. Pinagmasdan niya nang mabuti ang bahagyang pawisan na't namumula pang katawan. Nagmistulang hapit na hapit ang kanyang balat sa laman; lapat na lapat ang kanyang tiyan. At sa sandaling iyon, gayon na lamang ang paniniil ng kawalang pagka-kontento na nagtutulak sa kanyang ulitin ang pinagdaanang gawa.

      “Kulang pa.” Animo'y umimpis sa kanyang paningin ang kanyang katawan.

      “Kulang pa. Maliit pa 'to.” Kanyang pagpapalagay sa paghahambing sa sarili sa mga larawan ng ibang lalaking nakikita niya, lalo na ang sa kanyang ama na noong kabataan pa, sa parehong edad na 23, ay nanalo na sa isang palakasan sa larangan ng pagbubuhat.

      Naalala niya, batay sa kuwento nito, ang malaki nitong katawan ang nakapagpahalina sa kanyang ina rito: ang matatag na dibdib, ang nagmumurang mga braso at ang animo'y batuhang tiyan at puson.

      “Kulang pa.” Napasinghap siya nang malalim habang hinihimas ang kanyang dibdib, mga utong, tiyan, pababa sa siwang ng kanyang pantalon sa pananariwa ng imahen ng kanyang ina–ng maganda niyang ina–na hinahaplos ang dibdib ng ama habang hinahalikan ito sa labi nang mariin.

Ginoong Imbestigador

  • May. 23rd, 2008 at 1:13 PM
Absolutismo

    Hinagod ng kanyang mga mata ang perimetro ng eksena: mula kaliwa patungong kanan. Basag na mga bote sa sulok, dugua't nilamat na paso sa kabila. Tumalungko siya sa lalaking binasagan ng bumbunan at buto sa batok, sinuot ang latex gloves at sinimulang i-proseso ang mga pahiwatig sa katawan. “Papaano niya kaya nalaman ang tungkol sa atin?” isip niya.

Mapagpasalamat

  • May. 23rd, 2008 at 1:06 PM
Absolutismo

            Ipinakita ang larawan ng isang lalaki sa telebisyon: tumatagos ang isang kalawanging tubo sa kanyang tagiliran, papalabas sa kaliwang balikat. Mangyari, isang tahimik na tanghali, nang nalalapit na siya sa pinto ng kanyang apartment mula sa gabi ng pagtatrabaho sa konstruksyon, nadulas siya’t sumakto sa tubong nakatanim sa lupa. Ang mga ito’y dating suporta para sa mga halamang nangamatay na sa gilid ng daraanan. 

 

Matapos ang operasyon ng lalaki, anong sayang ipinahayag ng doktor ang kanyang pagkamangha.

 

            ”Masuwerte ang binata at wala sa mga laman loob nito ang napinsala”

 

Masuwerte. Nangiwi ang lalaki sa pagkakakita sa duguan pang tubo sa operating table. Hiningi ito sa kanya ng doktor bilang isang sabay na tanda ng kanyang tagumpay sa operasyon at agimat. Natatandaan niya ang sinabi sa isa sa kanyang mga aklat sa kolehiyo. Anito, itinatago ng ilan ang palatandaan ng isang trahedyang kanilang pinagdaanan: bato rito, tabla ng kahoy doon. Sa isa’y basyo ng bala. Sa isa, isang piraso ng nabasag na salamin. Suwerte ang mga biktima at sila’y nakaalpas. Suwerte sila’t binuhay sila ng pagkakataon. Utang nila sa kung anong kabanalan ang pangalawang pagkakataon. Marapat silang magpasalamat, isip ng doktor.[1]

 

            Ang anak na babae ng doktor ay nakatira sa karatig lamang na lungsod. Sa kasagsagan ng kanyang panonood sa panayam sa ama sa sariling sala, ano’t biglang may isang kamay na humamblot sa kanya. Dinala siya sa kuwarto. Doon, pinagtastasan siya ng kamison, tinutukan ng baril sa noo at sinabihang huwag mag-iingay. Ang kanyang anak na lalaki ay nasa kabilang kuwarto, naalimpungatan sa mga kalabog. Bagama’t nababalani na tumayo at magsiyasat, naging malakas ang pagtanggi ng kanyang katawan.

 

Sabi ng babae, habang nag-aayos ng pantalon at sinturon ang lalaki: Siguro naging malungkot ang buhay mo. Sagot nito: Hindi ko alam kung bakit binubuhay pa kita.

 

Sa isang artikulo sa dyaryo noong sumunod na linggo, sinasabing tatlong beses siyang ginahasa: Yung una, sa loob ng kanyang kuwarto; sa kamang halos natanggalan na ng kobre. Yung sumunod na dalawang pagkakataon, sa malamig na semento ng kanyang basement. Hindi lang ari ang ipinuwersa sa kanya kundi maging mga daliri ng salarin, ballpen, ilang tubo, piraso ng kahoy, monkey wrench at ang kabilang dulo ng isang martilyo. Pinaglaruan din ang kanyang tinggil. Nakitang patay ang asawa ng babae sa labas, may tama ng bala sa ulo na tumagos sa batok. Ginamitan ng silencer.

 

            May malaking larawan nung babae sa itaas ng artikulo, Umiiyak. Ngunit ang kanyang mga luha ay hindi lamang daw luha ng pighati. Dulot pa nga raw ito ng kaligayahang binuhay siya ang nanggahasa. Binuhay ng nanggahasang may malungkot na buhay. Sa mga araw na darating, patuloy na pananaktan ng ari ang babae. Magtutungo siya sa doktor at sasabihin nitong naimpeksyon ang dingding ng laman nito at ang mismong tinggil. Reresetahan siya ng ilang gamot.

 

            Ang kanyang ama ay natinagan sa kanyang opisina nang mabasa ang balita. Hindi niya magawang i-angat ang telepono. Anong silbi niya bilang doktor kung hindi niya magamot ang sariling anak? Anong silbi niya bilang isang ama? Umaalingawngaw ang dalawang katanungan sa kanyang isip. Bagama’t nagpapasalamat siya’t nabuhay ang kanyang anak, hindi niya mapigilang isumpa ang katotohanang ito’y isang babae. Nang mapagawi ang tingin ng doktor sa tubong nakalagay sa bubog na eskaparate, sumagi sa kanyang gunita ang sinabi ng lalaking inoperahan sa isang panayam: Kung talagang masuwerte ako, tulad ng sinasabi nila, dapat hindi sa akin nangyari ito.

 

            Sa isang kotse sa isang hindi kalayuang lungsod, makikita ang nanggahasa na hinahalungkat muli ang gamit na nakuha mula sa niloobang bahay: isang susi, ilang piraso ng alahas, sampung libong piso, isang ginintuang pitaka na may perlas na sarahan at isang piraso ng itimang panty. Ilang hakbang mula sa kanya, isang babae ang kinakapos ng hininga dulot ng pagtakbo, nagpapasalamat ito sa kanyang isip na ang estasyon ay kanyang nakikitaan pa ng isang paparating na bus. Napatigil ang lalaki sa paghalukay sa munting supot. Nagpapasalamat ito sa opurtunidad. Lumabas siya sa kanyang kotse at ilang saglit na nanatiling nakatayong tumitingin sa babae. Tinitingnan niya ang babae nang may ningning sa kanyang mga mata, tulad ng isang taga-samba sa pagkakabigay sa kanya ng Panginoon ng matagal nang pinipintuho. Tanto niya na kay dami nga pala niyang dapat ipagpasalamat sa mundong ito.

 



[1]   May mga nagsasabi na nung mahanap ang krus na pinagpakuan kay Hesu Kristo, may ilang kumuha ng piraso nito. mga kahoy na maaaring ilagay sa bulsa, sa pitaka, sa palad na kuyom, sa paniniwalang nagtataglay ang mga ito ng kapangyarihan: na ang mga ito’y nakapagdudulot ng imortalidad sa nagmamay-ari.